Itinalaga ni Pope Francis ang Filipino Archbishop na si Bernardito Auza bilang bagong apostolic nuncio sa European Union.
Mula sa pagiging kinatawan ng Vatican sa iba’t ibang panig ng mundo, ang 65-taong gulang na Arsobispo ay haharap sa panibagong misyong pandaigdig matapos hirangin ni Pope Francis bilang apostolic nuncio sa EU.
Ayon sa CBCP News, magpapatuloy muna si Archbishop Auza sa kanyang kasalukuyang tungkulin bilang apostolic nuncio sa Spain at Andorra bago tuluyang lumipat sa Brussels sa mga susunod na linggo. Siya ang papalit kay Archbishop Noël Treanor na pumanaw noong Agosto 2024 dahil sa atake sa puso.
Mainit naman na tinanggap ng Commission of the Bishops’ Conferences of the European Union ang kanyang appointment. Ayon kay Bishop Mariano Crociata, presidente ng COMECE, si Auza ay kilala sa kanyang malawak na karanasan sa diplomatikong serbisyo ng Holy See at inaasahang magiging mahalagang katuwang sa pagsusulong ng pangkalahatang kabutihan sa Europa.
Tubong Talibon, Bohol, si Auza ay naordinahan bilang pari noong 1985 at nakapagtapos ng doctorate sa Sacred Theology sa Roma. Siya ay naglingkod sa Madagascar, Bulgaria, Albania, at naging bahagi ng Secretariat of State sa Vatican. Taong 2008 nang italaga siya bilang apostolic nuncio sa Haiti at itinaas bilang arsobispo.
Noong 2014, hinirang siya ni Pope Francis bilang permanent observer ng Holy See sa United Nations kung saan pinangunahan niya ang adbokasiya para sa karapatang pantao at kapayapaan. Mula 2020, siya ang tumayo bilang apostolic nuncio sa Madrid sa Espanya. | ulat ni EJ Lazaro