Hinimok ni House Committee on Overseas Workers Affairs chair Jude Acidre ang mga OFW na samantalahin ang kauna-unahang internet voting na ikakasa ng Pilipinas.
Ayon kay Acidre, itinulak ang internet voting bilang pagkilala sa mga kontribusyon ng mga OFW at upang hindi na sila mahirapan sa pagboto.
Giit niya na sa pamamagitan nito ay mas mapapadali ang kanilang pakikibahagi sa pagpili at paghalal ng mga bagong lider ng pamahalaan.
“Itong internet voting ginawa natin ‘to bilang pagkilala sa mga kontribusyon ng ating mga OFW sa ating lipunan at sana po’y gamitin natin ang pagkakataong ito na may ‘say’ ‘ho tayo. Alam ko ho marami sa ating mga kababayan na ofw madalas ho active sa social media nagko-comment sa mga nangyayari sa Pilipinas. Siguro ang mas epektibong pamamamaraan para maging kabahagi sila…ay gamitin po natin ang oportunidad na ito na tayo po’y mapabilang sa pagpili ng mga bagong halal na mga opisyal,” ani Acidre.
Batay sa anunsyo ng COMELEC magsisimula ang pre-voting enrollment period para sa overseas internet voting sa March 10 hanggang May 7, 2025.
Magsisimula naman ang online voting period mula April 13 hanggang 7PM ng May 12, 2025. | ulat ni Kathleen Forbes