Iginiit ni dating DILG Secretary at Alyansa senatorial candidate Benhur Abalos ang pangangailangan na mamuhunan sa digital technology at sanayin ang kapulisan hanggang sa barangay level upang epektibong malabanan ang cybercrime at fake news.
Sa ikinasang pulong balitaan ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, natanong ang mga pambato ng administrasyon kung paano malalabanan ang fake news.
Tugon ni Abalos, mahalagang mabigyan ng sapat na pondo ang mga ahensyang nakatutok sa cybercrimes at pagbibigay kasanayan sa mga ‘cybercops.’
Ipinunto nya na mula sa theft o pagnanakaw, nangunguna nang krimen sa bansa ang cybercrime.
Inihalimbawa pa niya ang kumalat na pangho-hold up sa Quezon City ngunit pitong taon na pala itong nakalipas nang mangyari.
Kaya kinailangan pa aniya ito itama ng PNP sa kanilang mga social media page.
Ang mahalaga ngayon aniya ay bigyan ng expertise ang bawat lungsod at munisipyo patungkol sa digital technology.
Mungkahi pa niya na mag-train ng mga non-uniformed personnel na siyang tutulong sa pagbabantay sa krimen sa cyberspace.
“Right now what is important, ibaba hanggang sa level ng bawat city, bawat munisipyo yung technological expertise nito. Ang problema natin ngayon is that yung unit na ito, mga pulis. So, dapat magkaroon ng non-uniformed personnel na i-train ng husto at i-update sa technology. So, if ever talagang dapat pondohan ito para yung response hindi lamang sa Crame, hanggang doon sa pinakababa,” giit ni Abalos.
Suportado rin niya ang pagtutulak ng mas mahigpit na batas kaugnay sa pagiging krimen ng fake news na itinutulak ng mga kasamahan sa Alyansa.
“It is right na ngayon nangyayari that the laws are catching up with technology. ‘Yun ang nangyayari. Sa bilis ng teknolohiya our laws must catch up with them. I also agree with my colleagues about new legislations regarding this,” sabi ni Abalos. | ulat ni Kathleen Forbes