Opisyal nang inilunsad ang kauna-unahang Women, Peace, and Security Center of Excellence sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Ito ay hakbang sa pagpapalakas ng adbokasiya para sa kababaihan, kapayapaan, at seguridad.
Pinangunahan ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr., OPAPRU Executive Director Susana Guadalupe Marcaida, at Budget Secretary Amenah Pangandaman ang ceremonial launching sa Pasig City.

Sa mensahe ni Secretary Galvez, binigyang-diin niya na ang pagtatatag ng Women, Peace, and Security Center of Excellence ay mahalagang tagumpay hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Aniya, ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng mga babaeng Pilipino na nangunguna sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang mga komunidad.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Budget Secretary Pangandaman sa Women, Peace, and Security Center of Excellence na aniya ay mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng pandaigdigang kooperasyon para sa Women, Peace and Security.
Ang OPAPRU naman ang mangangasiwa dito at magbibigay ng pagsasanay at suporta sa mga inisyatiba ng Women, Peace and Security sa bansa at rehiyon. | ulat ni Diane Lear