Tiniyak ni Senate Committee on Accounts Chairman Senador Alan Peter Cayetano na wala nang aberya sa konstruksyon ng New Senate Building (NSB).
Ayon kay Cayetano, wala nang delay at maayos ang daloy ng lahat sa proyekto.
Nakatuon aniya ang senado sa pagpapababa ng gastos ng gusali nang hindi nakokompromiso ang disekyo at kalidad nito.
Sinabi ng senador na prayoridad nilang matiyak na tama ang presyo ng proyekto batay sa kasalukuyang halaga ng mga materyales.
Nang tanungin tungkol sa pahayag ni Senate President Chiz Escudero na walang nakikitang iregularidad sa proyekto, nilinaw ni Cayetano na hindi ito ang pangunahing tinututukan ng kanyang komite kundi ang tiyakin na matatapos ang gusali at matutugunan ang mga pagkaantala.
Sinabi ng senador na inaasahang matatapos ang New Senate Building sa taong 2027.
Magkakaroon aniya sila ng update sa konstruksyon ng NSB sa susunod na linggo kung saan posibleng imbitahan ang mga miyembro ng media para personal na makita ang progreso ng konstruksyon. | ulat ni Nimfa Asuncion