Nanatili ang kumpiyansa ng mga negosyo sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa pinakabagong Business Expectations Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Bagamat bumaba sa 31.2 porsyento ang overall confidence index (CI) sa unang quarter ng 2025 mula 44.5 porsyento noong huling quarter ng 2024 dahil sa natural na post-holiday slowdown at inflation concerns, patuloy ang positibong pananaw ng mga negosyo para sa ikalawang bahagi ng taon.
Ayon sa survey, tumaas ang kumpiyansa ng negosyo para sa ikalawang quarter 2025, kung saan umakyat ang CI sa 45.4 porsyento, hudyat ng mas masiglang ekonomiya. Mas lalo pang pinagtibay ito ng matatag na 56.4 porsyentong business outlook para sa susunod na 12 buwan.
Patuloy ding gumagawa ng hakbang ang administrasyon upang tiyakin ang access sa pautang at liquidity ng mga negosyo, habang pinapanatili ang inflation sa loob ng target range na 2.0 hanggang 4.0 porsyento. Ayon sa BSP, inaasahang aabot sa 3.2 porsyento ang inflation sa Q1, 3.3 porsyento sa Q2, at 3.4 porsyento sa susunod na 12 buwan. | ulat ni EJ Lazaro