Inihayag ni Vice President Sara Duterte na patuloy pa ring binubuo ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kasong crimes against humanity na isinampa sa International Criminal Court (ICC).
Sa virtual press briefing, sinabi ng Bise Presidente na mayroong darating na abogado mamaya na kaniyang kakausapin pero hindi niya ito pinangalanan para maprotektahan ang privacy nito.
Ayon kay VP Duterte, tanging si British-Israeli lawyer Nicholas Kaufman na mangunguna para sa depensa ng dating Pangulo ang kaniyang papangalanan.
Nang matanong kung hanggang kailan siya mananatili sa The Netherlands, sinabi ng Pangalawang Pangulo na hindi niya pa tiyak kung hanggang kailang ngunit siya ay may return ticket na sa Abril.
May obligasyon aniya siya bilang Bise Presidente na buoin ang support group ng dating Pangulo para may tumulong na makalabas ito sa ICC detention center.
Samantala, pinag-uusapan pa rin aniya ng kanilang kampo ang magiging gastusin sa kaso ng dating Pangulo pero malaki ang posibilidad na mag-apply sila ng legal aid sa ICC. | ulat ni Diane Lear