Kinumpirma ni Atty. Camille Sue Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema na nagsumite na ng komento ang magkakapatid na Duterte kahapon, March 24, bilang tugon sa utos ng Korte Suprema na magsumite ng sagot sa loob ng limang araw.
Ito ay matapos atasan ng Korte Suprema ang magkakapatid na Duterte na tumugon sa sagot ng Department of Justice laban sa kanilang petition for habeas corpus.
Hinihiling ng pamilya Duterte sa Korte Suprema ang pagpapalaya at pagpapauwi sa Pilipinas ni dating Pangulong Duterte matapos itong maaresto ng Interpol batay sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Una nang hiniling ng DOJ, bilang kinatawan ng mga opisyal ng gobyerno, na ibasura ang petisyon dahil wala na umano itong saysay at walang sapat na batayan.
Tinitiyak naman ng DOJ na handa silang humarap sa Korte Suprema sakaling magpatawag ng oral arguments kaugnay sa legalidad ng pagpapaaresto sa dating pangulo. | ulat ni DK Zarate