Iniimbitahan ni Makati City Mayor Abby Binay-Campos ang publiko na makiisa sa Earth Hour 2025 ngayong gabi, Marso 22, na gaganapin sa Ayala Triangle Gardens simula mamayang 6:30 ng gabi.
Kasabay naman nito, nauna namang nanawagan ang Department of Energy (DOE) sa lahat na pairalin ang responsableng paggamit ng enerhiya at tubig sang-ayon sa tema ng Earth Hour ngayong taon na “Switch Off and Secure Water for All.”
Ayon kay DOE Secretary Raphael P.M. Lotilla, mahalaga ang koneksyon ng enerhiya at tubig. Aniya, bawat kilowatt-hour ng kuryente ay nangangailangan ng tubig, kaya’t ang pagtitipid sa kuryente ay pagtitipid din sa ating yamang-tubig. Dagdag pa niya, ang pagtitipid ng enerhiya ay hindi lang tungkol sa gastos, kundi isang hakbang upang protektahan ang buhay at kalikasan para sa mga susunod na henerasyon.
Pinayuhan din ng DOE ang publiko na iwasan ang paggamit ng kuryente sa peak hours, gumamit ng energy-efficient na mga kagamitan, at patayin ang mga hindi kailangang appliances upang makatulong sa pagsugpo ng climate change.
Ang Earth Hour ay taunang pandaigdigang inisyatiba kung saan hinihikayat ang bawat isa na patayin ang mga ilaw sa loob ng isang oras — mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Una itong isinagawa noong Marso 31, 2007, sa Sydney, Australia na inorganisa ng World Wide Fund for Nature (WWF) bilang isang simbolikong hakbang laban sa climate change, kung saan hinihikayat ang mga tao, negosyo, at institusyon na patayin ang ilaw sa loob ng isang oras upang ipakita ang suporta sa pangangalaga ng kalikasan. | ulat ni EJ Lazaro