Makikipag-ugnayan ang Presidential Communications Office (PCO) sa kaukulang mga ahensya para sa angkop na hakbang laban sa mga nasa likod ng talamak na disinformation sa social media, na ayon sa Malacañan ay mayroong kaugnay sa pagkakakaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa kasong crimes against humanity.
“Talagang dumarami po ang fake news para po malihis ang katotohanan. Kitang-kita po ninyo, kahit po mismo si dating ES (executive secretary Salvador) Medialdea, nakita po natin kung papaano po ba niya nabanggit na nawawala ang dating Pangulong Duterte.” —Usec Castro.
Inihalimbawa ni Communicationa Usec Claire Castro ang sinabi ni Senator Bong Go na hindi nakatanggap ng angkop na medical care ang dating pangulo habang nasa pangangalaga ng ICC authorities.
Sabi ni Castro, una nang sinabi ng ICC judge mentally aware at mentally fit si FPRRD, base sa pagsusuri ng mga doktor doon.
“Kung mayroon pong mga ganitong klaseng haka-haka, muli, katulad ng sinabi ni Senator Bong Go, dapat siguro ay kaniya munang alamin ang katotohanan,” —Usec Castro.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na pinag-aaralan nila ang nararapat na aksyon upang matigil na ang mga ganitong gawain.
“We are taking steps like what we had last week. We had this live discussion with the concerned authorities to answer all those issues that had been raised by some people from the mainstream and also from the social media.” —Usec Castro
Una nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na ini-imbestigahan at naglalatag na sila ng plano para habulin ang mga nagpapakalat ng fake news.
Sa panig ng PCO, patuloy aniya nilang pagsisikapan na malabanan ang disinformation sa pamamagitan ng press briefing at live discussion para malaman ng mga tao kung ano ang totoong impormasyon at hindi.
“So, with this kind of projects that we have with the PCO, like the press briefing and the live discussion, I think people will have this chance to know what is fake news and what is not.” —Usec Castro.
Kaugnay nito, hiningi rin ng opiyal ang tulong ng media para sa fact-checking ng impormasyon sa lumalabas sa social media.
Una na ring sinabi ng opisyal na mas ngayon dapat pairalin ng publiko ang pagiging mahinahon at pagiging mabusisi sa kung ano ang totoo at pekeng impormasyon.
“Dapat po ang tao ay magmasid, mag-isip, at matuto pong mag-evaluate para po hindi po nagugulo ang ating isipan at damdamin,” —Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan