Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na magpapatupad ito ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa mga lokal na karne ng baboy.
Layon nitong mapagaan ang pasanin ng mga mamimili dahil sa mataas na presyo ng karne.
Sa pulong balitaan sa tanggapan ng DA, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa na nagkaroon ng pagpupulong ang iba’t ibang stakeholders ng hog industry at napagkasunduan na magpatupad ng MSRP at ito ay epektibo simula sa Lunes.
Ayon kay De Mesa, ang MSRP para sa kasim at pigue ay P350 kada kilo, at P380 kada kilo para naman sa liempo.
Nilinaw ni De Mesa na ito ay ipatutupad muna sa mga wet market sa National Capital Region habang pinag-aaralan ang pagpapatupad ng MSRP sa mga supermarket at iba pang rehiyon.
Bukod dito magpapatupad din ang DA ng Maximum Selling Price (MSP) na P300 kada kilo sa “sabit ulo” sa mga negosyanteng nagpapasa ng karne sa mga retailer.
Magkakaroon naman ng periodic review para sa MSRP upang matukoy kung hanggang kailan ito ipatutupad. | ulat ni Diane Lear