Tiniyak ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na sumusunod ang mga hog raisers sa itinakdang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) ng baboy.
Ito ang inihayag ni SINAG Chair Rosendo So sa sidelines ng ika-31 National Hog Convention sa Pasay City.
Ayon kay So, sa nakalipas na dalawang linggo ay hindi lumampas ang mga hog raisers sa napagkasunduang Php230/kilo na farmgate price ng baboy.
Sa kabila ng mga hamon sa sektor, patuloy aniya silang tumutulong sa pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) na mapababa ang presyo ng karneng baboy.
Gayunpaman, nahihirapan pa rin ang mga hog raisers na makabawi mula sa epekto ng African Swine Fever at sa pagtaas ng gastos sa biosecurity at feeds para maparami ang suplay ng baboy sa bansa.
Dagdag ni So, kung mababa ang antas ng pagsunod sa MSRP sa hanay ng mga retailer, kailangang magsagawa ang DA ng panibagong konsultasyon upang matukoy ang mga isyung may kaugnayan sa logistics. | ulat ni Diane Lear