Sugatan ang apat na sundalo nang hagisan ng granada ng armadong grupo ang kanilang detachment sa barangay Madia, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, Sabado ng gabi, March 15, 2025.
Ayon kay Philippine Army Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, inoobserbahan pa sa isang pagamutan ang mga sugatang sundalo na miyembro ng 6th Mechanized Infantry Battalion.
Duda ang militar na posibleng paghihiganti ito ng mga natitira pang miyembro ng Local Terrorists Group(LTGs).
Mariing kinondena ng militar ang pag-atake lalupa’t nangyari ito sa panahon ng Ramadan.
Kamakailan lang ay sunud-sunod ang pagsuko ng kanilang mga miyembro mula sa Datu Piang at Datu Saudi Ampatuan dala pa ang kani-kanilang mga armas .
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang pursuit operations ng militar laban sa armadong grupo na pinaniniwalaang tumakas papunta sa Liguasan Marsh, Datu Piang, o sa Datu Saudi Ampatuan/Salvo, at Mamasapano. | ulat ni Rey Ferrer