Nananatiling bahagi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang Nacionalista Party.
Ito ang tugon ni Alyansa campaign manager Toby Tiangco nang mausisa kung parte pa rin ba ng koalisyon ang NP.
Ito’y dahil na rin sa naunang pahayag ni Sen. Imee Marcos, na kabilang sa senatorial lineup ng administrasyon, na naiilang na siyang dumalo sa mga campaign rally ng Alyansa.
Mula sa Nacionalista ang senadora pati na ang kapwa Alyansa bet na si Deputy Speaker Camille Villar.
“Yes, the Nacionalista Party remains part of Alyansa. Las Piñas Representative Camille Villar was present in an Alyansa meeting last night.” sabi ni Tiangco.
Nag-ugat ito sa pagkuwestyon ni Marcos sa naging hakbang ng pamahalaan na ipaaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kinakaharap na kasong crimes against humanity.
Habang ang ama naman ni DS Camille, na si dating Senate President Manny Villar na siyang presidente ng NP, ay nagpahayag ng suporta para sa dating presidente.
Dalawang magkasunod na rally nang hindi dumalo si Marcos at Villar kaya’t nagkaroon ng pagdududa kung bahagi pa ng koalisyon ang naturang partido.
Muli ring iginiit ni Tiangco na nirerespeto nila ang desisyon ni Sen. Imee at patuloy lang na ipapaalam sa mga botante ang maaasahang track record ng kanilang senatorial candidates.
“In many public statements, Senator Imee herself said that she was uncomfortable to attend Alyansa’s campaign sorties. We respect that choice, and Alyansa will continue to inform voters that our senatorial candidates are capable, with proven track record and experience, and they are here to help them improve their lives by supporting the flagship projects of the administration.” saad pa ni Tiangco.
Ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ay binubuo ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at National Unity Party (NUP). | ulat ni Kathleen Forbes