Inihayag ng Energy Regulatory Commission (ERC) na sa Abril na sisimulan ang refund ng Manila Electric Company (Meralco) para sa labis na singil sa kuryente mula July 2022 hanggang December 2024.
Ito ay matapos aprubahan ng ERC ang pagbabalik ng kompanya sa mga customer nito ng P19.95 billion sobrang singil sa kuryente na isasagawa sa loob ng 36 na buwan.
Ayon sa ERC, magkakaroon ng hiwalay na linya sa billing statement ang refund, katulad ng mga naunang refund ng kumpanya.
Katumbas ito ng 12 centavo kada kilowatt hour para sa lahat ng customer, habang 20 centavo kada kilowatt hour naman ang mare-refund sa residential customers.
Samantala, sinabi ng MERALCO na sila mismo ang humiling nito kaya itinuturing nilang welcome development ang desisyon ng ERC. | ulat ni Diane Lear