Pinawawalang Bisa ng Taguig City Regional Trial Court sa local COMELEC ng lungsod ang kandidatura ni Lino Cayetano bilang kinatawan ng unang distrito ng Taguig Pateros.
Sa 14-pahinang desisyon, natiyak ng RTC Branch 15 na kulang sa 6 na buwan ang paninirahan na mag-asawang Cayetano sa Barangay Ususan na binibilang mula sa petsa ng eleksyon ngayong Mayo 12, 2025.
Dahil hindi napatunayan ng mag-asawa ang kanilang alegasyon na residente sila ng Brgy. Ususan sa loob ng 6 na buwan bago ang parating na halalan, sinang-ayunan nito ang Election Registration Board(ERB) sa resolusyon nitong tanggihan ang hiling ng mag-asawa na ilipat ang kanilang rehistrasyon bilang botante ng Brgy. Fort Bonifacio patungo sa Barangay Ususan.
Inatasan ang ERB ng Taguig na huwag isama sa opisyal na listahan ng mga botante ng Precinct No. 0926A, Barangay Ususan, Lungsod Taguig sina Lino Cayetano at Fille Saint Merced Cayetano.
Dahil sa desisyong ito ng RTC Taguig, nadiskaril ang kandidatura ni Lino Cayetano na nagnanais maging Kongresista ng First District ng Taguig at Pateros. | ulat ni AJ Ignacio