Suportado ng mga senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang pagprotekta sa mga agricultural lands sa Cavite.
Sa pulong balitaan sa Trece Martires sa Cavite, binigyang diin ni re-electionist Senator Francis Tolentino na habang hinihintay pa ang pag-apruba ng kongreso sa National Land Use Policy ay may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng sarili nitong mga plano o polisiya.
Ang lalawigan aniya ng Cavite ay mayroon nang Comprehensive Land Use Plan para mabalanse ang urban development at ang lupa para sa agrikultura.
Tiwala naman si Congressman Erwin Tulfo na kung mahahalal sila ay malaki ang magiging tiyansa na maipapasa sa 20th Congress ang National Land Use law.
Binigyang diin ni Tulfo na kailangan rin ng suporta sa mga magsasaka para hindi sila mapilitang magbenta ng lupa.
Isinusulong naman ni dating DILG Secretary Benhur Abalos ang tax incentives para mahikayat ang mga may-ari ng lupa na panatilihin ang kanilang mga sakahan at lupang taniman. | ulat ni Nimfa Asuncion