Mas pinaigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa iligal na kalakalan sa agrikultura na sumisira sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Layon ng hakbang na ito na mapanatili ang patas at matatag na sektor ng agrikultura sa bansa.
Ayo sa Department of Agriculture (DA), nitong Miyerkules nagsimula na ang pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act (RA 12022). Ang nasabing batas ay may mas mabigat na parusa para sa mga mapapatunayang sangkot sa agricultural smuggling, hoarding, profiteering, at cartel operations.
Binuo rin ang mga pangunahing grupo para tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng batas. Kabilang dito ang Enforcement Group, na binubuo ng mga opisyal mula sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at Department of Finance (DOF).
Kasabay nito, ipatutupad ang Daily Price Index (DPI) upang bantayan ang presyo ng produktong agrikultura.
Binigyang-diin naman ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick D. Go na magiging agresibo ang gobyerno sa pagsugpo sa mga nagpapahina sa sektor ng agrikultura. | ulat ni Diane Lear