Walang natanggap na pagtutol si Senate President Chiz Escudero kaugnay ng inilatag niyang timeline sa gagawing impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos padalhan ng Office of the Senate President ng panukalang schedule ng impeachment ang mga senador, Kamara, at maging ang Office of the Vice President.
Ayon kay Escudero, sa ngayon ay wala namang nagpahatid ng objection sa proposed timeline nila.
Nilinaw ng Senate leader na sa ngayon ay hindi pa pinal ang timeline ng impeachment proceedings dahil tatalakayin pa ito ng mga senador sa plenaryo sa kanilang pagbabalik-sesyon at saka aaprubahan.
Matatandaang sa inilatag na proposed timeline ni SP Escudero, sa Hunyo 3 inaasahang manunumpa ang mga senador bilang impeachment judges. Matapos nito, ipapadala ang summons at magaganap ang palitan ng pleadings ni VP Sara at ng prosekusyon. | ulat ni Nimfa Asuncion