Sisiguruhin ng pamahalaan na mabibigyan ng patas na paglilitis si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa pagharap sa mga kasong crime against humanity na iniu-ugnay sa War on Drugs ng nagdaang administrasyon.
Pahayag ito ni Communications Usec Claire Castro sa harap ng nakatakdang kauna -unahang pag-salang ng dating pangulo sa International Criminal Court (ICC) mamayang gabi.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Usec Claire, na wala ng responsibilidad ang Pilipinas kay Duterte, lalo’t nasa The Hague na ito.
Wala rin naman aniyang hurisdiksyon ang pamahalaan sa procedure ng ICC.
“Wala po kasi tayong jurisdiction sa anumang gagawin po ng ICC. Sa kanilang mga procedures, wala pong jurisdiction at after natin madala po ang dating pangulo sa ICC, wala na pong kamay or responsibilidad ang gobyerno kay dating Pangulong Duterte,” —Usec Castro.
Gayunpaman, sa ilalim ng Republic Act 9851 o ang batas ng Pilipinas na tumutukoy at nagpapapanagot sa mga lumalabag sa international humanitarian law, genocide, at iba pang krimen laban sa sangkatauhan, nakasaad na dahil Pilipino pa rin ang dating pangulo, minamandato sa batas na siguruhin ng estado na makakakuha ito ng isang patas na paglilitis sa ICC.
“Pero, base po sa RA 9851, bilang Pilipino hindi lang dahil bilang dating pangulo si dating Pangulong Duterte, kakailanganin din po natin ang gobyerno na mai-sure po, masigurado natin na nagkakaroon po ng fair trial lalong-lalo na po Pilipino ang dating Pangulong Duterte,” —Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan
Sisiguruhin ng pamahalaan na mabibigyan ng patas na paglilitis si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa pagharap sa mga kasong crime against humanity na iniu-ugnay sa War on Drugs ng nagdaang administrasyon. | ulat ni Racquel Bayan