Arestado ang isang babae matapos magpanggap na dentista at mag-alok ng ilegal na dental services sa social media.


Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) spokesperson Lt. Wallen Mae Arancillo, naaresto si alyas “Jaja,” 26 taong gulang, sa ikinasang entrapment operation ng Regional Anti-Cybercrime Unit—Bangsamoro Autonomous Region sa kanyang bahay sa Cotabato City, Maguindanao.
Nadiskubre ng mga awtoridad sa kanyang Facebook post na nag-aalok siya ng teeth brace installation sa halagang Php1,000. Nakumpiska sa operasyon ang iba’t ibang dental equipment, gamot, at mga pustiso.
Ayon kay Arancillo, ginagamitan lang ni “Jaja” ng mainit na tubig ang mga gamit nito sa halip na tamang dental sterilization, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga pasyente.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Philippine Dental Act of 2007 at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Patuloy namang pinapaalalahanan ng PNP-ACG ang publiko na mag-ingat sa mga murang dental services na maaaring makasama sa kalusugan. | ulat ni Diane Lear