Ipinapanukala ni ACT-CIS Representative Erwin Tulfo na mabigyan ng pensyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) kapag nagretiro na ang mga ito, at nagpasyang manirahan na lang sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Tulfo na tinatawag nating mga bagong bayani ang mga OFW, ngunit kapag tumanda na sila, naghihirap at umaasa na lang sa mga anak o ibang kapamilya.
Ilan din sa mga OFW ang hindi na aniya nakapag-ipon dahil inuuna ang pagpapaaral sa mga anak at pagbili ng bahay para sa pamilya.
“Ang mga domestic helpers, laborers, drivers–yung mga mabababa ang sahod ang kadalasang hindi nakakaipon dahil sapat lang ang sahod nila para sa padala sa pamilya,” pagdidiin pa ni Tulfo.
Sa panukala ni Tulfo, paghahatian ng OFW at gobyerno ang kontribusyon para sa pension fund na mapapakinabangan ng OFW kapag nagretiro na ito.
Maaaring doble o triple ang kontribusyon ng gobyerno sa OFW pension na ito.
Hiwalay pa aniya ang pension system na ito sa mula sa Social Security System o SSS, na maaari makuha pagsapit ng 60 years old. | ulat ni Kathleen Jean Forbes