Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) ang pangangailangan na palakasin ang preventive care upang maiwasan ang sobrang kapasidad ng mga ospital sa bansa.
Ayon kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, ang labis na dami ng pasyente sa mga pangunahing ospital ay dulot ng kakulangan sa primary care facilities.
Ipinaliwanag ni Domingo na kung mas marami ang maliliit na clinics at ospital, mas kaunti ang pasyenteng mapipilitang pumunta sa mga apex hospital tulad ng Philippine General Hospital (PGH). Dahil dito, nagtalaga na ang DOH ng 21 accredited hospitals sa Metro Manila na maaaring tumanggap ng mga pasyente upang maibsan ang pagsisiksikan sa PGH.
Sinabi rin ni Domingo na ang pagpapaigting ng preventive care ay hindi lamang tungkulin ng gobyerno, kundi isang “shared responsibility” kasama ang publiko, upang matiyak ang mas episyenteng sistema ng kalusugan sa bansa. | ulat ni EJ Lazaro