Mas ligtas at mas mabilis na ngayon ang daloy ng transportasyon sa Barangay Sumacab Este, Cabanatuan City, matapos ang matagumpay na rehabilitasyon ng bahagi ng Daang Maharlika na isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay DPWH Region 3 Director Roseller Tolentino, isinagawa ang proyekto upang maayos ang lumang kalsada na nagdudulot na ng sagabal sa daloy ng trapiko at panganib sa mga motorista, lalo na sa mga truck na nagdadala ng mga produkto.
Saklaw ng proyekto ang 1.29-kilometrong bahagi ng highway, kabilang ang apat na lane at karagdagang shoulder lanes. Gumamit ng makabagong hot-laid method para sa bituminous concrete resurfacing na may anti-rutting additive upang mas tumagal ang kalsada.
Ayon kay Tolentino, tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isaayos ang Maharlika Highway, alinsunod sa kanyang 2024 State of the Nation Address.
Ang proyekto, na nagkakahalaga ng ₱116.8 milyon mula sa 2024 General Appropriations Act, ay sinasabing may malaking tulong sa mga negosyante at motorista sa rehiyon. | ulat ni EJ Lazaro DPWH