Upang mapabilis ang pagtukoy sa mga sakit tulad ng leptospirosis at bacterial meningitis, isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM ang kauna-unahang virtual training sa quantitative polymerase chain reaction o qPCR noong Marso 11 hanggang 12.


Pinangunahan ito ng National Reference Laboratories ng RITM, katuwang ang Philippine Business for Social Progress, Inc. (PBSP).
Dalawampu’t pitong (27) kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon ng Luzon, Visayas, at Mindanao ang lumahok sa dalawang araw na pagsasanay na isinagawa sa pamamagitan ng Zoom.

Tinalakay sa online lectures ang proseso ng pre-PCR at PCR testing upang matukoy ang mga nakahahawang bakterya at fungi.
Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga laboratoryo sa bansa para sa mas mabilis na outbreak detection at response.

Ang programang ito ay bahagi ng proyektong “Enhanced National Laboratory Preparedness and Response for Outbreak/Pandemic-prone Diseases”, na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Health, RITM, The Global Fund, at PBSP. | ulat ni Lorenz Tanjoco