Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga kumpanya na magpatupad ng mga hakbang para maisaalang-alang ang kapakanan ng mga manggagawa mula sa epekto ng pagtaas ng heat index sa bansa ngayong tag-init.
Ito lalo na’t tinatayang aabot sa 48 hanggang 50 degrees Celsius ang temperatura sa huling bahagi ng Abril hanggang unang linggo ng Mayo.
Giniit ni Gatchalian na ang pagpaprayoridad sa kapakanan ng mga manggagawa ay hindi lang makakatulong sa pagtiyak ng kanilang kalusugan at kaligtasan, kundi papaigtingin rin nito ang pagiging produktibo ng mga empleyado.
Kabilang sa mga minumungkahi ng senador ay ang pagbibigay ng flexible work arrangements, maayos na ventilation sa lugar ng paggawa, pag-aadjust ng rest breaks, at pagsuri sa panganib mula sa heat exposure kung may comorbidities.
Dapat rin aniyang mabigyan ng angkop na uniporme at protective equipment ang mga manggagawang nakabilad sa araw at sa mataas na temperatura gaya ng mga street sweeper, traffic enforcer, construction worker, at iba pa.
Hinimok din ni Gatchalian ang mga ahensya ng gobyerno, gayundin ang mga local government units, na maglabas ng malinaw na panuntunan para sa mga lugar ng trabaho upang maiwasan ang panganib ng matinding init at maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga manggagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion