Naniniwala si Senate President Chiz Escudero makakatulong sa pagdadagdag ng halaga ng mga mineral na nakukuha sa Pilipinas ang joint venture sa pagitan ng Nickel Asia Corporation at DMCI Mining Corporation.
Para kay Escudero, ang partnership na ito ay isang malaking hakbang tungo sa pagpapaunlad ng mineral processing ng Pilipinas, pagpapalago ng ekonomiya at pagpapalakas ng mga hakbang para maiposisyon ang Pilipinas bilang isa sa mga key global players sa mining industry.
Pinapakita aniya ng partnership na ito ang kahandaan ng industriya na mag-invest sa local mineral processing.
Umaasa ang senate president na ang kolaborasyon na ito sa pagitan ng dalawang kumpanya ay magko-complement sa layunin ng Senate Bill 2826 o ang Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining bill na naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa senado.
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang National Internal Revenue Code at ipagbabawal ang pag export ng mga locally extracted raw minerals. | ulat ni Nimfa Asuncion