Giniit ni Senate President Chiz Escudero na hindi pa nila mapagbibigyan ang hiling ng House Prosecutor Panel na agad na pasagutin ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa articles of impeachment laban sa kanya.
Sa Kapihan sa Manila Bay, pinaliwanag ni Escudero na maaari lang magpadala ng summons o pagkomentuhin si VP Sara kapag nag-convene na ang impeachment court.
Muling giniit ng Senate leader na magco-convene ang impeachment court sa pagbabalik-sesyon ng Senado sa Hunyo.
Kahapon, nagsampa ang House Prosecution Panel ng mosyon na humihiling na mag-isyu ng writ of summons ang Senado para sagutin ni VP Sara ang articles of impeachment laban sa kanya.
Binigyang-diin ni Escudero na ginagawa niya ang kanyang trabaho base sa kung ano ang nakikita niyang tama at naaayon sa batas at sa mga desisyon ng korte.
Kailangan aniyang idaan sa tama at legal na proseso ang impeachment at hindi ito madaliin para walang armas, rason, o basehan na kwestiyunin ang prosesong ginagawa nila. | ulat ni Nimfa Asuncion