Isinusulong ni dating DILG Secretary Benhur Abalos Jr., isa sa mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ang pagtatatag ng Super Health Centers sa buong bansa.
Sa isang panayam, kaniyang ipinunto ang pangangailangan ngayon sa isang sistematikong imbentaryo ng mga ospital sa buong bansa upang matukoy kung alin ang epektibong pinamamahalaan ng mga pamahalaang panlalawigan at kung alin ang dapat suportahan ng national government.
Paalala niya na hindi lahat ng probinsya ay may sapat na pondo para suportahan ang kanilang mga ospital.
Katunayan may mga lalawigan na may ospital pero walang doktor at kagamitan.
At bata aniya sa karanasan biya bilang alkalde ng Mandaluyong, maaaring palawakin ang Super Health Centers upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangang medikal at mapagaan ang bigat sa mga malalaking ospital.
Halimabawa nito ang emergency services, X-ray machines, at diagnostic tools.
“Ito ang ginawa namin sa Mandaluyong—Super Health Centers na kayang tugunan ang mga simpleng kaso upang ang mga ospital ay makapagpokus sa mas malalang kondisyon,” aniya.
Dahil naman sa kapuluan ang Pilipinas, mainam aniya na gawing estratihiko ang pagtatayo ng mga Super Health Centers upang mapalapit ang serbisyong medikal sa mga komunidad na malayo sa mga pangunahing ospital. | ulat ni Kathleen Jean Forbes