Patay ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos ang serye ng engkwentro sa kabundukang bahagi ng Barangay San Jose, Mapanas, Northern Samar.
Ayon kay 803rd Infantry Brigade Commander BGen. Efren Morados, ang operasyon ay isinagawa matapos silang makatanggap ng impormasyon mula sa mga sibiliyan na may grupo ng armadong kalalakihan ang nagsasagawa ng extortion activities sa nasabing barangay.
Sa unang engkwentro, nakasagupa ng 4th Scout Ranger Battalion ang isang grupo ng CTG, na hinihinalang bahagi ng Regional Guerrilla Unit (RGU) ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).
Napatay ang isang rebelde at narekober ang isang M14 rifle, isang anti-personnel mine at iba pang kagamitan.
Nagkaroon pa ng ikalawa at ikatlong engkwentro kung saan dalawang miyembro ng CTG ang nasawi.
Nagpaabot ng pakikiramay si BGen. Morados sa mga pamilya ng nasawi at binigyang-diin na mahalaga ang operasyon upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Hinikayat din niya ang mga natitirang kasapi ng CTG na sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng reintegration at amnesty program. | ulat ni Diane Lear