Nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Office of the Special Envoy on Transnational Crime (OSETC) ang apat na container van na naglalaman ng umano’y smuggled goods sa isinagawang operasyon sa Parañaque, Valenzuela, at Bocaue, Bulacan ngayong Huwebes.

Sa harap ng media, binuksan nina PNP CIDG Director PMGen. Nicolas Torre III at ilang kinatawan ng OSETC ang dalawa sa apat na 40-footer container van upang ipakita ang laman nito.

Isa sa mga truck ay idineklarang naglalaman ng rubber bags, ngunit nang buksan natagpuan sa loob ang iba’t ibang produkto gaya ng tissue, kubyertos, sandok, at mini fan. Ang isa pang truck ay naglalaman ng smuggled footwear, subalit idineklara na electric stoves at electric fans.
Ayon kay Torre, ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng limang search warrant na inilabas matapos makatanggap ng anonymous complaint ang OSETC.

Batay sa imbestigasyon ng CIDG Anti-Organized Crime Unit, ang mga kargamento ay nagmula umano sa China at dumaan sa Port of Manila, bago nadiskubre sa magkakahiwalay na lokasyon.

Kasalukuyang isinasagawa ang imbentaryo upang matukoy ang kabuuang halaga ng mga nasabat na produkto.
Mahaharap naman sa patong-patong na kaso sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act ang sinumang mapatutunayang responsable sa smuggling na ito. | ulat ni Diane Lear