Walang patid ang pagsisikap ng pamahalaan ng Pilipinas sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs (DFA) katuwang ang ASEAN at iba pang ahensya ng pamahalaan na mahanap, mailigtas at matulungan ang mga kababayan nating mga OFWs na apektado ng naganap na magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar.
Sa eksklusibong panayam ng Radyo Pilipinas kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, inihayag nitong nagpapatuloy ang pakikipag tulungan nila sa mga awtoridad gayundin ang ibayong paghahanap sa mga ospital sa Myanmar upang matukoy ang kinaroroonan ng mga nawawalang Pinoy at nakikipag-ugnayan na sila sa mga pamilya upang matulungan ang ahensya sa pag-identify ng mga nasawi.
Ayon kay Usec. De Vega ay sa ngayon, iisang Pilipino pa lamang ang ngayon ang nasa kustodiya na nila at naghayag ng kagustuhan umuwi sa ating bansa.
Malungkot naman na ibinahagi ni Usec De Vega na may ilang hindi pa nakilalang labi ang naretrive ng mga awtoridad na ngayon ay nasa stage of decomposition na, bunsod ng nagpapatuloy nga rescue and retrieval operations doon.
Ngunit ayon kay De Vega, wala pang kumpirmadong Pilipino ang nasawi pero may ilan pamilya na diumano ng mga OFW ang nag-alok ng impormasyon na makakatulong sa pagtukoy ng pagkaka-kilanlan ng labi ng mga bigong makaligtas sa naturang trahedya.
Dagdag pa ng DFA official, may ilang pamilya na rin ang humiling ng tulong na madala sila sa Myanmar ngunit paglilinaw nitong maaari silang dalhin hanggang sa Yangon lamang dahil hindi pa pinahihintulutan na makapasok sa Mandalay, Myanmar dahil sa nagpapatuloy na operasyon doon.
Sa ngayon ay sinisikap na umano ng emabahada na maalalayan, madala at matugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong OFWs mula sa Mandalay patungo sa Yangon kung saan kinakailangan pa bumiyahe ng 15 oras dahil umano sa sira sa kalsada dulot ng naturang trahedya. I ulat ni Rigie Malinao