Inaasahan ni Senate President Chiz Escudero na pinagplaplanuhan at pinaghahandaan na ng mga economic manager ng administrasyon ang pagpapataw ng US ng 17 % na taripa sa mga export products ng Pilipinas.
Binigyang diin ng senate leader na isa sa anim na ine-export ng ating bansa ay napupunta sa Amerika kaya naman tiyak na magkakaroon ito ng epekto sa ating ekonomiya.
Noong 2024, umabot sa 14.2 bilyong pisong halaga ng mga produkto ang in-export ng Pilipinas sa US habang nasa 9.3 billion pesos lang ang inangkat natin mula sa Amerika.
Nakatitiyak si Escudero na naikonsidera na ng economic managers ang posibilidad na ito at matutugunan nila ito ng maayos.
Isa aniya sa mga pwedeng irekomenda kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay ang amyendahan ang Tariff at Customs Code ng bansa.
Pinaliwanag ni Escudero na kapag naka-recess ang kongreso ay pwede itong gawin ng pangulo ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion