Aktibong nagbabantay ang Kamara sa sitwasyon ng mga OFW sa Taiwan at Mynanmar at Thailand.
Ayon kay House Committee on Workers Affairs Chair Jude Acidre, lagi aniya dapat prayoridad ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga kababayan abroad.
Mungkahi niya, samantalahin ang pagkakataon na i-trace ang mga OFW na nasa Taiwan, kunin ang kanilang updated na lokasyon at contact number.
Ito ay sa gitna na rin ng tensyon sa Taiwan dahil sa ginagawang military drill ng China sa palibot nito.
Sabi pa ng kinatawan, mabuti nang maagap para mabilis din na mailikas ang ating mga kababayan sakaling lumala ang sitwasyon.
Magagamit din naman aniya ang updated na mga impormasyon sakaling magkaroon ng kalamidad sa Taiwan.
“dapat talaga unahin natin ang kapakanan ng ating mga kababayan, lalong-lalo na ang mga ofw. Siguro magandang panahon para alamin kung nasan ang mga lokasyon nila, yung mga pag update ng mga contact numbers…at siguro magbalangkas na rin ng evacuation plan. hindi naman dahil talagang inaasahan natin na merong ganitong pagkakataon kundi para lang masigurado natin. Kasi hindi lang naman sa ganitong pangyayari ang maaaring dahilan, puwede ring bagyo, sakuna.” Paliwanag ni Acidre
Pagdating naman aniya sa mga Pilipinong apektado ng lindol sa Myanmar at Thailand, naka antabay din aniya sila sa mga advisory ng Department of Migrant Workers.
Bilang kongkretong tulong naman ay kasama aniya ang emergency team ng Eastern Visayas Medical Center at Tacloban sa ipinadalang team ng DOH sa rescue response sa naturang mga bansa.
“Sa advisory na nakukuha mula sa DMW, tuloy-tuloy po ang kanilang pag locate sa mga kababayan na nawawala o naapektuhan nung lindol sa Myanmar at Thailand. Naka antabay naman ho tayo sa kung anong paraan paano tayo makatulong. Pero sa praktikal na asperto, yung ating eastern visayas medical center ang ating emergency response team po sa Tacloban, ay kasama po sa mga pinadala ng Department of Health dun sa Myanmar pata makatulong sa response effort.” ani Acidre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes