Nagsampa ng kasong cyber libel si PCapt. Erik Felipe ng Quezon City Police District (QCPD) sa QC Prosecutors Office laban kina Special Operations Group Strike Force Head Gabriel Go at vlogger na kasama nito na si Dada Koo.
Ito ay matapos mag-viral sa social media ang video na nagpapakita kay Go habang tinitiketan si Felipe sa Anonas Police Station sa Quezon City dahil sa pagparada nito sa bangketa.
Sa kabila ng paghingi ng tawad ni Go sa nangyaring pamamahiya umano kay Felipe itinuloy pa rin nito ang pagsasampa ng kaso.
Sa ambush interview, sinabi ni Felipe na napatawad na niya si Go pero personal na desisyon aniya na ituloy ang pagsasampa ng kaso dahil naapektuhan ang kaniyang pagkatao.
Ayon kay Felipe, nakaranas siya ng matinding stress matapos na mag-viral sa social media ang kaniyang video.
Iginiit naman ni Felipe na wala nag-impluwensya sa kaniya na masampa ng kaso at nagpasalamat ito sa lahat ng sumuporta sa kaniya.
Nauna naman dito ay sinabi ni Go na handa niyang harapin ang isasampang kaso laban sa kaniya. | ulat ni Diane Lear