Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaking matagal nang pinaghahanap ng batas sa bisa ng isang warrant of arrest, matapos tangkaing sumakay ng eroplano patungong Singapore.


Kinilala ang suspek na 38-anyos na lalaki mula sa Las Piñas City. Papasakay na sana siya ng Singapore Airlines flight nang ma-flag ng airport immigration dahil sa warrant of arrest na inilabas pa noong Setyembre 16, 2015, kaugnay ng paglabag sa Bouncing Check Law o BP 22. May inirekomendang piyansang P2,000 para sa kanyang kaso.

Agad na kumilos ang NAIA Police Station 3 katuwang ang Malate Police Station ng Manila Police District upang isagawa ang pag-aresto. Dinala ang suspek sa Warrant and Subpoena Section ng MPD para sa kaukulang dokumentasyon at prosesong legal.

Ayon kay PBGen Christopher Abecia ng PNP AVSEGROUP, patunay ang insidenteng ito na patuloy ang kanilang kampanya laban sa mga may kasong kinahaharap. Hinikayat rin ang publiko na makipagtulungan at sumunod sa batas upang maiwasan ang abala. | ulat ni EJ Lazaro
COURTESY: AVSEGROUP PIO