Bingiyang-diin ng Alyansa senatorial candidates ang pangangailangan sa mahigpit na implementasyon ng batas lalo na sa gun control para maiwasan ang road rage sa kalsada.
Ayon kay dating PNP Chief at dating Sen. Ping Lacson, mayroon nang sapat na batas sa bansa para sa regulasyon ng paggamit ng baril.
Lalo pa aniya ito pinaghigpit ngayon dahil panahon ng eleksyon.
Kaya ang ating kapulisan, kailangan aniya na magdoble kayod sa pagbabantay at pagpapatupad ng batas.
Sinegundahan ito ni dating DILG Sec. Benhur Abalos.
Aniya, ipinapakita ng road rage ang kawalan ng respeto sa batas at ang problema sa bigat ng daloy ng trapiko.
Kaya bukod sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas, dapat din aniya dagdagan ng mga alagad ng batas sa mga lugar na may choke point.
Dagdag na police visibility naman ang mungkahi ni dating Senate President Tito Sotto.
Aniya, kung tutuusin mas mahigpit pa nga ang gun control sa Pilipinas kaysa sa Amerika.
Doon aniya basta may ID ay mairerehistro na ito at makakabili ka na ng baril.
Ngunit dito sa Pilipinas lagi ka hahanapan ng lisensya o yung permit to carry at ang rehistro ng armas.
Ayon naman kay ACT-CIS party-list REp. Erwin Tulfo, mayroon nang nakahain sa Kamara na panukala laban sa road rage. Kabilang dito ang pagpapataw ng kulong ng anim hanggang labindalawang taon kung may mamatay sa road rage. | ulat ni Kathleen Forbes