Kinumpirma ni Senadora Imee Marcos na nakatanggap siya ng liham mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin upang ipaalam na hindi na dadalo ang mga miyembro ng gabinete sa susunod na pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, na kanyang pinamumunuan, tungkol sa pagkakaaresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Naka-schedule ang susunod na pagdinig ng komite sa Huwebes, Abril 3.
Ayon kay Senadora Imee, natanggap niya ang liham kagabi.
Sa liham, tinukoy ni ES Bersamin na naniniwala silang hindi na kailangan ang kanilang partisipasyon sa pagdinig dahil nasagot na nila ang mga tanong sa unang hearing at naipresenta na rin ni Senadora Imee ang kanyang komprehensibong findings.
Muli ring iginiit ni Bersamin ang nauna nilang posisyon na gamitin ang executive privilege, at naniniwala silang lahat ng mga usaping hindi sakop nito ay natalakay na sa unang hearing.
Pinunto rin ng executive secretary na mayroong apat na petisyong naihain at kasalukuyang nakabinbin sa Korte Suprema kaugnay ng pagkakaaresto ni Duterte, at maaari aniyang makaapekto sa mga proceedings ng korte ang pagdinig ng Senate panel.
Ikinalungkot naman ni Senadora Imee ang desisyong ito ng ehekutibo, lalo’t marami pa aniyang tanong ang nais nilang mabigyang-linaw sa pagdinig. | ulat ni Nimfa Asuncion
