Kailangan harapin ng mga fake news peddlers ang kanilang pananagutan sa batas.
Ito ang binigyang diin ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega kasunod ng pagsasampa ng kaso ng Police Regional Office 7 sa dalawang indibidwal matapos doktorin ang isang video ng Sinulog Grand Procession at pinalabas na Prayer protest rally ito pabor kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Saad niya, kailangan nila harapin ang kasong isinampa sa kanila bunga ng pagpapakalat ng maling impormasyon na nakakapahamak sa ordinaryong mamamayan.
“Meron naman po tayong mga batas tungkol diyan eh, so kung meron po talagang magkakaso or magsasampa eh they will have to suffer po ng mga consequence mga pinapalaganap nilang ganyan,” Ortega said.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act ang dalawang indibidwal dahil sa malisyosong pagpapakalat ng disinformation at misinformation.
Giit ni Ortega hindi puwede na maging normal na lang ang pagpapakalat ng fake news dahil may pagkakataon na buhay ang nakataya o kapalit nito.
Ngayong araw ay ipagpapatuloy ng Tri-Committee sa Kamara ang imbestigasyon sa pagpapakalat ng disinformation at misinformation gamit ang social media. | ulat ni Kathleen Forbes