Mahalaga rin na masilip ang nasa 942 na indibidwal na nakatanggap umano ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara Duterte.
Ayon kay Deputy Majority Leader Paolo Ortega, bukod sa mga gawa-gawang pangalan na walang record sa Philippine Statistics Authority (PSA), maigi na masiyasat din ang mga pangalan sa listahan na mayroong record sa PSA.
Partikular, kung talaga bang nakatanggap sila ng kabayaran gamit ang confidential fund.
“Pero sabi ko nga po, maganda rin po na tignan natin yung mga number po, yung 600 plus na may records. Kasi kailangan din po natin siguro na tignan kung nakatanggap nga po ba sila o mayroon silang mga nakuhang pondo para hindi lang yung mga walang pangalan. So we will look into that as part po ng continuing po na trabaho natin dito sa House of Representatives.” ani Ortega.
Maaari aniya magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon pa ang Kamara ukol dito, lalo na’t sa House Blue Ribbon Committee naman lumitaw ang isyu ng mga pekeng pangalan.
Ngunit maaaring sa impeachment trial na lang din ito masagot bilang bahagi ng Article 2 articles of impeachment.
Ayon kay Ortega, sinusuri na rin ang nasa 670 na pangalan sa acknowledgment receipt ng OVP at 272 sa DepEd na pawang may mga record sa PSA. | ulat ni Kathleen Forbes