Pinagtibay ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng French shipbuilding company na OCEA ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng isang maintenance contract para sa mga barkong gawa ng Pransya kung saan kabilang ang BRP Gabriela Silang.

Sa paglagda na isinagawa sa Ambassadors Residence sa Makati, nilagdaan sa pagitan nina PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan at OCEA representative Jacques Briand ang kontratang nagkakahalaga ng P130 milyon para sa isang taong Integrated Logistics Support para sa BRP Gabriela Silang. Dagdag pa rito, may karagdagang P50 milyon para sa tatlong buwang suporta sa apat na 24-meter Fast Patrol Boats ng PCG.

Bahagi ito ng patuloy na suporta ng OCEA mula nang mangako itong magtatayo ng P1.5 bilyong shipyard sa bansa, na posibleng magbukas ng 500 hanggang 600 trabaho.

Ayon sa PCG, mahalaga ang kasunduang ito upang mapanatili ang kahandaan ng kanilang mga barko para sa mga operasyon sa seguridad, search and rescue, at humanitarian missions.
Dinaluhan din ng French Ambassador Laurent Saint-Martin at DOTr Secretary Vince Dizon ang nasabing makasaysayang pirmahan. | ulat ni EJ Lazaro