Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang Maritime Group na magbantay sa mga beach resort ngayong summer vacation (SumVac).
Makikipag-ugnayan sila sa mga lokal na pamahalaan upang palakasin ang seguridad sa mga beach resort.
Batay sa direktiba ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, magdadagdag ng deployment sa mga paliguan dahil sa tumataas na bilang ng mga biktima ng pagkalunod tuwing tag-init.
Sa press briefing, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Randulph Tuaño na noong 2023 SumVac, 175 indibidwal ang nasawi, sa bilang na ito 125 ang nalunod. Sa datos noong 2024 SumVac, umabot naman sa 106 ang nasawi, habang 90 dito ay nalunod.
Dahil dito, sinabi ni Tuaño na kinakailangan ang tulong ng Maritime Group sa pagbabantay sa mga beach resort dahil may sapat silang pagsasanay sa ganitong sitwasyon.
Bukod sa pagbabantay, maaaring magsagawa rin ng pagsasanay ang Maritime Group para sa iba pang personnel na itatalaga sa mga beach resort at iba pang paliguan upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko. | ulat ni Diane Lear