Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang presensya ng pulisya sa mga matataong lugar bilang bahagi ng seguridad para sa Ligtas Summer Vacation (SumVac) 2025.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief PCol Randulf Tuano na inatasan na ang kanilang mga unit na tiyaking ligtas ang mga lansangan, transport terminals, tourist destinations, at iba pang pampublikong lugar dahil sa inaasahang dagsa ng mga tao ngayong bakasyon.
Ayon kay Tuano, paiigtingin din ang law enforcement, traffic operation management, at intelligence monitoring upang maiwasan ang anumang kaguluhan.
Bukod dito, magtatalaga rin ang PNP ng police assistance desk upang agad na matulungan ang publiko.
Mahigit 40,000 pulis naman ang ide-deploy sa buong bansa para sa Ligtas SumVac 2025 na ipatutupad simula April 1 hanggang May 31.
Hinikayat din ng PNP ang publiko na makipagtulungan, maging alerto, at iulat agad sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos.
Samantala, nanatiling nakataas ang heightened alert status ng PNP. | ulat ni Diane Lear