Muling iginiit ng Quad Committee na hindi political persecution ang ginawa nilang pagpapa-contempt kay dating presidential spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Quad Comm lead chair Robert Ace Barbers, pinatawan ng contempt si Roque dahil sa hindi na niya pagdalo sa mga pagdinig at hindi pagsusumite ng mga dokumento na mismong siya ang nangako na kaniyang ibibigay upang pasinungalingan ang mga alegasyon sa kaniya na may kaugnayan siya sa POGO.
Nasa The Netherlands si Roque kung saan siya naghain ng aplikasyon para sa asylum.
“We’re not persecuting him. In the first place, he’s not a very important political figure. The only reason why he’s not attending the hearings is because he actually in an open hearing promised to submit documents to disprove the allegations against him. Marmi siyang ipinangakong dokumento. Noong hindi siya nakapag-submit ay saka siya umalis,” sabi ni Barbers.
Wala naman aniyang hakbang ang Quad Comm sa ngayon para harangin ang kaniyang aplikasyon para sa asylum.
Gayunman maaari aniya nila hingin ang tulong ng ating embahada para malaman kung ano ba ang ginamit niyang dahilan para sa paghingi ng asylum.
Kung matukoy aniya na ito ay dahil sa political persecution ay maaaring saka lang sila umaksyon.
Ngunit para kay Barbers, kung hindi naman mapatunayan na politically persecuted si Roque ay hindi rin pagbibigyan ang kaniyang hiling na asylum.
“We want to know first, through our embassy maybe, kung ano ba yung kanyang ginamit na basehan sa kanyang asylum request? And then from there, baka dun na kami umaskyon. Kung kinakailangan umaksyon. But again, I think on the merits of his request, baka hindi naman siya pagbigyan because there’s no sign of political persecution against him,” saad ni Barbers.
Aminado naman ang Quad Comm Chair na oras na magtapos na ang 19th Congress sa June 30 ay mawawalang bisa na rin ang contempt order laban sa kaniya.
“The reason why he’s running away is because ayaw niyang impersenta ang mga dokumentong hiningi sa kanya dahil mabubuking siya. Yung kanyang involvement dito sa illegal na POGO, sa pag-abogado niya dito sa mga illegal na gawain ng mga Chinese syndicates, yun ang kanyang dapat sagutin at iharap sa taong bayan. Kkung siya ay walang kinalaman o siya at hindi guilty dun sa kanyang involvement dito sa mga illegal na POGO na ito, ‘e bakit ka nagtatago?” diin pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes