Nababahala si Senadora grace poe sa tumataas na bilang ng mga scam calls sa unang quarter ng taong ito.
Giit ni Poe, sa kabila ng pagkakaroon na ng SIM registration law at pagbabawal sa operasyon ng mga POGO ay tumataas pa rin ang bilang ng mga voice phishing o vishing.
Sa ganitong modus, tumatawag ang mga scammer sa kanilang biktima para manggaya ng mga pinagkakatiwalaang organisasyon, gaya ng mga bangko, para makapanloko, at ibigay ng mga biktima ang kanilang mga sensitibong impormasyon o pera.
Ayon kay Poe, malaki ang maitutulong ng maayos na pagpapatupad ng SIM registration law sa paglaban sa ganitong modus at iba pang cybercrimes dahil nakapaloob na dito ang panuntunan sa paggamit ng mga SIM at ang pagpaparusa sa maling paggamit nito.
Ayon kay Poe, dahil may SIM registration law na, dapat ay maipatawa sa mga scammer ang buong pwersa ng batas at mapanagot sila para wala nang gumaya pa sa kanilang modus.
Kinalampag rin ng senadora ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, mga telecommunications companies, at iba pang stakeholders na patuloy na gumawa ng mga solusyon para matugunan ang mga call at text scams. | ulat ni Nimfa Asuncion