Photo courtesy of DOLE Davao
Umabot sa 2,300 bakanteng posisyon ang binuksan para sa mga naghahanap ng trabaho sa isinagawang DOLE “Trabaho Agad” Job Fair sa SM City Davao ngayong June 12, kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan.
Lumahok sa aktibidad ang 32 kumpanya na nag-alok ng iba’t ibang oportunidad sa lokal at overseas employment. Maagang nagtungo sa venue ang mga aplikante upang magpasa ng résumé at dumaan sa mga panayam ng mga employer.
Nakapagtala na ng 52 hired-on-the-spot (HOTS) applicants ang job fair pagsapit ng alas-11:20 ng umaga. Mayroon ding mga bakanteng posisyon na maaaring aplayan ng mga senior high school graduate, na nagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataang naghahanap ng trabaho.
Patuloy pang tumatanggap ng mga aplikante ang job fair hanggang alas-5:00 ng hapon. Hinihikayat ang mga interesadong magdala ng updated résumé at magparehistro bago ang alas-2:00 ng hapon na cut-off upang makalahok sa mga recruitment activities.
Bahagi ang aktibidad ng patuloy na pagsisikap ng Department of Labor and Employment na mapalawak ang access ng mga Pilipino sa hanapbuhay at matugunan ang pangangailangan ng mga kumpanya para sa karagdagang manggagawa.
Inaasahang makatutulong ang job fair sa pagpapalapit ng mga oportunidad sa trabaho sa mga residente ng Davao City at mga karatig-lugar.