Ibinahagi ng Bureau of Immigration (BI) sa isang high-level delegation mula sa Kingdom of Saudi Arabia ang mga hakbang ng Pilipinas sa pagpigil sa human trafficking bilang bahagi ng pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa laban sa transnational crimes.
Pinangunahan ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pagtanggap sa delegasyon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, kung saan ipinakita ang airport interdiction procedures, anti-trafficking strategies, at koordinasyon ng BI at NAIA Task Force Against Trafficking sa pagtukoy at pagresponde sa mga posibleng biktima ng human trafficking.
Bahagi ito ng limang araw na knowledge exchange na inorganisa sa ilalim ng proyekto ng United Nations Office on Drugs and Crime o UNODC. Kabilang sa mga delegado ang mga kinatawan mula sa justice, law enforcement, foreign affairs, labor, health, education, at human rights agencies ng Saudi Arabia.
Ayon sa BI, inaasahang magpapalakas ang pagbisitang ito sa kooperasyon ng Pilipinas at Saudi Arabia sa border management, victim protection, law enforcement, at pagpapatupad ng mas epektibong mga hakbang laban sa human trafficking.