Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na patuloy ang kanilang isinasagawang declogging operations sa kahabaan ng Taft Avenue upang maiwasan ang matinding pagbaha.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, hindi na kakayanin lang ng simpleng declogging operations ang problema sa baha sa Taft Avenue dahil ang kailangan na talaga rito ay ang pagpapalawak at pag-update ng luma na nitong drainage system.
Ayon kay Dizon, nag-request na sila ng budget para sa susunod na taon kung saan sa pagtaya nila ay aabutin ng nasa P1.5 billion ang kailangang pondo para sa pagpapalawak at pagsasaayos ng drainage system sa buong kahabaan ng Taft Avenue.
Oras na maisakatuparan, kumpiyansa ang kalihim ng DPWH na maiibsan na rin ang perwisyong baha sa Taft Avenue na mas magbibigay ng ginhawa sa mga residente.
Giit pa ni Dizon na paniguradong makikita agad ang positibong epekto ng pagsasaayos ng drainage system sa Taft Avenue tulad ng ginawang pagsasaayos sa Santa Isabel, Araneta Avenue at iba pang bahaing lugar sa Metro Manila.