Umabot sa 13 flight ang naapektuhan ngayong araw dahil sa halos maghapong rainfall warning ng PAGASA sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa abiso ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), bagama’t walang nakanselang flight, may walong na-divert, tatlong nag-missed approach o hindi nakalapag, at dalawa ang nag-go around o umikot muna sa halip na lumapag dahil sa masamang panahon.
Lalapag sana ang mga eroplano sa Clark International Airport at NAIA, ngunit hindi nakalapag dahil sa malakas na ulan at hangin, gayundin sa kapal ng ulap.
Sampu naman sa mga apektadong flight ay international flights mula Vancouver, Dubai, San Francisco, Vietnam, China at Korea.
Ang mga domestic flight naman ay mula sa Tacloban, Bacolod at Caticlan. Sa ngayon, ligtas nang nakalapag ang mga eroplano at ligtas din ang mga pasahero.