Naglaan ng 23 milyong piso ang pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato para sa pagtatayo ng mga water system sa mga liblib na sitio at barangay bilang paghahanda sa posibleng epekto ng matinding El Niño.
Layunin ng mga proyekto na mapabuti ang access ng mga residente sa malinis na tubig at makatulong na maiwasan ang kakulangan sa suplay sa panahon ng matagal na tagtuyot.
Kabilang sa mga proyektong isinasagawa ang water system sa Barangay Lam-Apos sa bayan ng Banga, na nagkakahalaga ng halos 3.5 milyong piso. Isinasagawa ito sa ilalim ng programang Proyektong Angat Para sa Lahat ni Gobernador Reynaldo Sucayan Tamayo Jr.
Ayon kay Provincial Engineer Lloyd Esparagosa, may mga karagdagang water system na itatayo sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan upang mapalawak ang access ng mga komunidad sa pangunahing serbisyo.
📸 Provincial Govt. of South Cotabato